2017 Movie Review: Pauwi Na

Spoiler-free review ito ng isang manunuod na walang alam sa teknikal na aspeto ng isang pelikula. Kaya babaan ang expectations. Pero kung ordinaryong movie addict ka katulad ko, halika at bibigyan kita ng mga rason kung bakit dapat mong panuorin ang “Pauwi Na.”

  • Mag-isa lang ako sa sinehan. Sa halagang P160.00, nagka-private viewing na ako! Hindi na ako nabigla dahil mukhang isang ordinaryong pelikula lang ang “Pauwi Na.” Sumugal lang ako, ni hindi ko nga napanuod ang trailer. Pero pagkatapos ng pelikula, langya, jackpot!

“Iha, kasama sa buhay ang hirap. Ang tanong, anong gagawin mo?” – Hesus

  • Ang kwento ay tungkol sa road trip ng isang pamilya pauwi ng probinsya. Ginamit ko ang “road trip” dahil hindi bagay ang “joyride.” Ayokong ipaliwanag, spoiler-free kasi ito diba? Pero di gaya ng ibang road trip, pedicab ang gamit dito. Dalawang pedicab, isang pamilya.

 

  • Sina Mang Pepe (Bembol Roco) at Aling Remedios o Remy (Cherry Pie Picache) ang mga magulang ng pamilya. Maraming pagkakataon na nag-uusap sila gaya ng tipikal na mag-asawa. Pero mas kinilabutan ako sa mga eksenang tahimik sila, ngunit walang tigil ang sigaw ng kanilang mga emosyon.

“Swerte ka at bulag ka. Ang paniniwala mo ay totoo.” – Hesus

  • Kasama rin sina JP (Jerald Napoles) at ang kanyang bulag at buntis na asawang si Isabel (Meryll Soriano). Huwag umasa ng eksenang mala-Tonyo at Lea. Iba ito. Mas seryoso, mas maraming sakripisyo, walang “kabayan” funny moments, walang iba’t-ibang klase ng ulam tuwing umaga, at iba ang ending ng love story nila. Masakit na masaya. Ganoon naman ang pelikulang ito, paglalaruan ang damdamin mo hanggang ikaw mismo litung-lito na.

 

  • Hindi rin naiwan si Pina (Chai Fonacier), kapatid ni JP. Isang tindera ng yosi pero marunong mangarap. Masipag at matapang, pero biktima talaga ng mapaglarong tadhana. Pranka, walang tapon ang kanyang mga linya. Sigurado ako, may kakilala kang kagaya niya.

 

  • Naroon din si Kikay. Isang aso na stay-put lang. Walang reklamo, at puro tayo at upo lang ang eksena. May mga tricks din siya paminsan. Mukhang hindi importanteng karakter diba? Hintayin mo lang ang isang eksena at siguradong kikilabutan ka rin sa kanya!

Isabel: Freedom, freedom, nasasabi mo lang yan dahil di ka gutom.

Hesus: Nasasabi mo lang yan dahil gutom ka.

  • Huling karakter ay si Hesus (Jess Mendoza). Si Isabel lang ang nakakakita sa kanya, at madalas nag-uusap rin sila. Ang daming quotable quotes ni Hesus. Walang pagkukunwari, katotohanan lang. Madalas tagos, at sigurado ako may isa o dalawa na makaka-relate ka.

Isabel: Diba pari ang boses niyo sa lupa?

Hesus: No comment.

  • Pamilya, paniniwala at sakripisyo. Yan ang ilan sa mga natandaan ko mula sa kwento (isama mo na rin pala ang consistent na ubo ni Mang Pepe). Muli, humanda ka dahil paglalaruan nila ang damdamin mo. Patatawanin ka tapos paiiyakin tapos medyo pakakabahin tapos pasasayahin ulit tapos bigla kang maaawa. Basta, iba talaga. Nakalabas na ako ng sinehan tila lumulutang parin ako.

 

  • Hanep ang soundtrack ng pelikulang ito. Ang hirap lumabas ng sinehan pagkatapos. Ang sarap kasi pakinggan ng kanta.

 

  • “Pauwi Na.” Hindi lahat nakauwi, depende sa destinasyon na nasa isip mo.

Bonus:

May bonus na short film: Ang Unang Araw ng Pasukan. Kaya pumasok ng maaga sa sinehan. Sayang din ito, may sense ang kwento.

 

 

 

Share this:

Leave a Reply